Sto. Cristo, may Elementary School na rin!

Lungsod ng Malolos. Pinangunahan ni Mayor Christian D. Natividad at Vice Mayor Gilbert “Bebong” Gatchalian ang pagbubukas ng Elementary School sa Barangay Sto.Cristo noong Setyembre 19, 2012. Ito ay dinaluhan ni Barangay Captain Enrico Capule, Sangguniang Barangay ng Sto. Cristo, mga guro at supervisors ng Department of Education sa pangunguna ni District Superintendent Zenia Mostoles.

Masayang masaya ang mga magulang at mga guro dahil nagkaroon na rin ng sariling paaralan ang kanilang barangay. Matapos ang ilang buwan na pagtitiyaga sa pagkaklase sa barangay hall at bisita, sa wakas ay naging totohanan na ang matagal ng pangarap ng mga magulang, mag-aaral at guro na magkaroon ng sarili nilang eskwelahan.

Sa mensahe ni Mayor Christian D. Natividad, kaniyang sinabi na sa umpisa ng kaniyang termino bilang Punong Lungsod ng Malolos, kaniyang nakita ang matinding pangangailangan ng mga kabataang Malolenyo ng karagdagang mga paaralan. Ngayon, wala ng dahilan ang mga magulang na hindi maitaguyod ang pag-aaral ng kanilang anak dahil mismong paaralan na ang inilapit niya sa pamayanan. Kaniya ring idinagdag na hindi siya nanghihinayang pamuhunanan ang mga kabataan dahil ang kabataan ngayon ang larawan ng kinabukasan ng Malolos.